Ourlad Alzeus G. Tantengco
MPs10 – WFW1 - 1:00-2:30 NH
13 Hulyo 2011
Hindi ako isang makata
O dalubhasang maalam sa hiwaga ng salita
Ngunit hayaan ninyo akong kumatha ng tula
Alay sa guro ng musikang mundo’y nilisan na.
Sa bawat pagkumpas ng kanyang kamay
May ngiting laging nakaantabay
Mga liriko ng kanta’y kanyang binubuhay
Upang maging karapat-dapat sa Diyos ay ialay.
Isang gabing madilim pauwi sa kanyang tahanan
Mula sa pag-eensayo ng kanta sa simbahan
Malakas na tunog ng preno ng trak ang narinig
Matapos noo’y tuluyan ng naglaho ang kanyang tinig.
Nawala na ang dating sigla at galak
Animo’y natuyong talulot ng bulaklak
Kasabay ba niyang sumalangit
Ang saya sa aming pag-awit?
Bilang taong lumaki sa simbahan
Higit kong nalalaman
Pisikal lamang ang kanyang kamatayan
Buhay ay walang hanggan sa langit nating tahanan.
Habang tinitipa ng piyanista sa piyano ang piyesa
Ng isang awit mula sa Bibliya
Buong-pusong nangusap ang mga nota
Ipagpatuloy ang pagkanta sa misa.
Hindi para sa sarili o kanino man
Kung hindi para sa Panginoong lumikha ng Sanlibutan
Bumagal mang tulad ng rallentando ang musika ng kanyang buhay,
Mananatili itong buhay sa aming puso’t isipan.
Mahirap mang takasan ang kapighatian
Sa wika ng Panginoon ako sasandigan,
“Mas mainam ang isang araw kapiling ang Diyos ko
Kaysa isang libo na iba ang tahanan ko”.
No comments:
Post a Comment