Ourlad Alzeus G. Tantengco
MPs10 – WFW1 - 1:00-2:30 NH
13 Hulyo 2011
Pira-pirasong pahinang pinagsama-sama
Puno ng larawan at mga letra
Bukal ng dunong at kaalaman
Ukol sa mga naganap sa ating nakaraan.
Masusing binusisi at hinabi,
Sa utak ng mga historyador ng ating lahi,
Kanilang inilimbag at pinakaingatan
Upang maging sanggunian sa kinabukasan.
Ngayon, sa madalim na silid nahihimlay
Mga kayamanan ng ating kasaysayan
Ibinaon na sa limot ng karamihan
Lalo na ng gobyernong walang pakialam.
Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan
Ang pagkalunod ng mga polyeto at aklat
Hanggang masira ng tubig ang tinta
At kainin ng anay ang mga pahina.
Paano pa makikita ng balana
Mayamang kultura ng ating bansa?
Kung ang mga librong tanging ebidensya
Tuluyan ng naglaho at nabura sa ating ala-ala.
Napagtanto mo na nga ba?
Hindi lang libro sa ati’y nawala
Bahagi ng kasaysayang dapat nating malaman
Kailanma’y ‘di na mababalikan at masusulyapan.
Pagwawalang bahala at kapabayaan
Ang nakikita kong mga dahilan
Kung bakit historikal na yaman sa museo ng NHI,
Unti-unti ng nawawala at nangamamatay.
No comments:
Post a Comment