Tuesday, May 3, 2011

Pananaw Ukol sa Wikang Pambansa

Tantengco, Ourlad Alzeus G.
2010-59051
Final Exam
Linggwistiks 1 THY 4:00-5:30
Ms. Emilita L. Cruz

• Ano sa mga konsepto, pananaw, pagkilala at pagtingin mo sa wika ang binago/nabago ng mga kaalamang nakuha mo sa ating pag-aaral, pag-uusap at pagtalakay sa wika. Kung meron man?

Bilang isang mag-aaral, napakahalaga ng wika sa aking buhay. Ang wika ang nagsisilbing tulay upang mailahad ng mga guro ang kanilang mga lektura at maihatid sa amin ang mga impormasyon at kaalaman na kailangan naming malaman. Nagsisilbi itong daluyan ng mga ideya sa pamamagitan ng komunikasyon at pakikipagtalakayan. Higit sa lahat, ang wika ay nagbibigay ng pagkakakilanlan at identidad sa isang tao.
Binigyang linaw ng kursong Linggwistiks 1 ang dating umaandap-andap na pananaw ko ukol sa wika. Sa ganang akin, alam ko na mahalaga ang wika para sa isang bansa ngunit hindi malinaw sa akin kung anong buti ang maidudulot ng pag-aaral ng wika. Binago nito ang dati kong pagkakaunawa sa wika. Ang wika pala ay hindi isang bagay na naimbento lang kamakailan, hindi ito isang bagay na madaling maintindihan at pag-araalan.
Habang binabagtas ko ang daan patungo sa pag-aaral ng wika ay unti-unting nailahad sa akin ang kahalagahan ng wika. Maraming mga tanong sa aking isipan ang nabigyan ng kasagutan gaya na lamang ng paano nabuo ang wika, ano ang mga prosesong pinagdadaanan nito, saan ito nagmula at marami pang iba. Naipaliwanang sa akin ng mabuti ang mga elemento at konsepto na gumagabay sa konstruksyon at pagbuo ng isang wika.
Sa talakayan ukol sa phonetics at phonology, natutunan kong pag-aralan at ianalisa ang mga tunog sa mga salita, kanilang mga katangian, saan at paano sila ginagamit sa wika. Maging ang posisyon ng dila at paraan ng artikulasyon ng bawat letra o phonemes ay natutunan ko sa kursong ito. Nabigyang linaw din sa akin na ang wika ay hindi basta na lamang naimbento o nalikha. Napakatagal na proseso pala ng pagbuo ng isang wika at napakaraming pagbabago ang pinagdadaanan nito. Sa phonology ko rin nalaman ang organisasyon ng mga tunog sa iba't ibang klase ng wika. May pinagbabasehang istroktura o kaayusan ang mga tunog sa salita. May espisipikong kapaligiran ang bawat phonemes. Ang phonemes ay ang tawag sa mga tunog na para sa mga native speaker ay magkakahawig ng pagbigkas ngunit kung mabusising pag-aaralan ay may kaibahan sa paraaan ng artikulasyon. Isang halimabawa ng phonemes ay ang /b/. Mayroon itong dalawang allophones, /b/, ito ang normal na b at ang isa naman ay ang /β/, ito naman ay binibigkas ng may pag-ihip.
Kasabay ng paglipas ng panahon, ang mga salita rin ay dumadaan sa iba't ibang pagbabago ng anyo na tinatawag na morphological processes. Nalaman ko sa kursong ito na sadyang napakayaman ng ating wikang pambansa. Napakabilis nakalilikha ng mga bagong salita mula sa ating wika. Iba't ibang paraan ang pinagdadaanan sa pagbuo ng bagong salita. Karaniwang nakapagpapabago sa isang salita ay ang pagpapalit ng mga morphemes nito. Ang morphemes tunog na may kahulugan. Isang magandang halimbawa nito ay ang salitang “sa” na maaring gamitin sa iba't ibang paraan. Maari itong gamitin bilang locative, benefactive o causative. Ang paraan ng pagbuo ng bagong salita ay maaaring:

• Affixation. Ito ang pagdaragdag ng mga prefix, infix o suffix sa isang salitang-ugat upang makabuo ng bagong salita. Halimbawa ay ang salitang-ugat na “kain”. Sa pagdaragdag ng affix ay makakabuo tayo ng napakraming anyo ng salitang ito tulad ng kumain, kinain, kakain, kumakain at kainin. Lubos nitong napagyayaman ang ating wika.
• Compounding. Ito ay pagsasama ng dalawang magkaibang salita upang makabuo ng isang panibagong salita. Halimbawa ay bahaghari mula sa dalawang salita na bahag at hari.
• Reduplication. Ito naman ang pag-uulit ng isang salita upang makabuo ng panibagong salita. Halimbawa ay ang mga salitang isa-isa, iisa at batong-bato.
• Alternation. Ito naman ay ang pagpapalit ng tunog ng isang salita upang magkaroon ito ng bagong kahulugan. Sa katunayan ay walang ganitong proseso sa wikang Filipino. Makikita natin ito sa mga hiram nating salita. Halimbawa ay ang lolo at lola mula sa Espanyol na salitang abuelo at abuela. Ang 'o' sa lolo ay napalitan ng 'a' at naging lola. Ang pagbabagong ito ay nagbigay ng distinksyon sa mga salita.

Naging mas pamilyar ako sa talakayan ukol syntax o ang organisasyon ng mga salita sa isang pangungusap dahil madalas itong bahagi ng diskusyon sa asignaturang Filipino magbuhat pa noong elementarya. Isang bagay siguro na bago sa akin ay ang pagkakaiba ng kaayusan ng mga syntactic classes sa iba't ibang wika. Ang mga syntactic classes ay ang mga pangngalan, pandiwa, panghalip, pang-uri at pang-abay. Halimbawa sa Pilipinas, ang pagkakasunud-sunod ay maaring pagpalit-palitin hangga't nasusunod pa rin nito ang tuntunin ng wastong grammar. Lalo kong nabigyan ng halaga ang wikang Filipino dahil sa pagiging flexible nito. Napakaraming paraan na maaaring maisulat ang isang pangungusap sa ating sariling wika. Kahit anong parte ng pangungusap ay maaring maging sentro nito. Ang katangian na ito ng ating wika ay kaiba sa ibang mga wika.
Sa talakayan ukol sa Historical Linguistics ko natutunan na ang bawat wika ay may pinag-ugatan at pinagmulan na wika. Maging ang mga wika pala ay may mga pamilya. Nakamamanghang malaman na 50 porsiyento ng wika sa buong mundo ay nanggaling lamang sa iisang language family. Ito ay ang Indo-European Family, saklaw nito ang mga Germanic at Romance Languages. Isang malaking misteryo din para sa akin noong nalaman ko sa isa sa mga film viewing sa kursong ito ang wikang “Basque”. Ito ay ginagamit ng mga naninirahan sa baybayin ng Bay of Biscay malapit sa Pyrenees. Ang wikang ito ay hindi maihambing o maikonekta sa alin mang wika sa buong mundo. Ayon sa mga teorya ng mga linguist, isa itong pre-Indo-European language na nagawang ipreserba at panatilihing sa paglipas ng panahon. Kakaibang pagprotekta ang ibinigay ng mga ispiker sa wikang ito upang maipreserba ang kanilang wika. Hindi sila nag-aasawa ng hindi ispiker ng kanilang wika upang hindi mahaluan ang kanilang wika ng wikang banyaga. Sadyang napakahalaga ng wika sapagkat ito ang nagbibigay ng identidad sa isang nasyon o bansa.
Hindi lamang pag-aaral ng wika ang aking natutunan sa kursong ito. Higit sa lahat ay mas pinaigting ng kursong ito ang pamamahal ko sa aking sariling wika. Naipaalala nito sa akin ang kahalagahan ng wika. Dahil ito ang nagbibigay ng kaakuhan sa aking pagiging Pilipino. Aminado ako na mas gusto kong magsalita sa wikang Ingles dahil napakaintelektwal pakinggan ng wikang Ingles. Pakiramdam ko ay napakatalino ko kapag nagsasalita ako gamit ang wikang Ingles. Ngunit nabigyang linaw ng kursong ito ang maling persepsyon ko sa ating wika. Masyado ko palang minaliit ang ating wika. Naikintal sa aking isipan na ang tanong na paano ko mamahalin at mapag-aaralan ang ibang wika kung mismong sarili kong wika ay hindi ko kayang mahalin. Ngayon na natapos ko na ang kursong Linggwistiks 1 ay magsisilbi itong paalala sa akin na mahalin ang aking sariling wika higit sa anumang banyagang wika. Dahil lahat ay nagsisimula sa ating sarili, alam ko na hindi malalaing ang mga adhikain ng mga dalubhasa sa wika sa ating bansa. Darating din ang panahon na matututunang mahalin ng bawat Pilipino ang ating wikang pambansa. At ito ay magsisimula sa maliit na kontribusyon ng bawat mamamayan, sa simpleng paggamit ng ating sariling wika sa ating tahanan ay maipapakita na natin ang ating pagmamahal sa ating wika.

2. Ang panghihiram ng mga salita ng isang wika mula sa isang wika sa anupamang dahilan ay nangyayari. Ano sa palagay mo ang katanggap-tanggap na pagbaybay sa mga salitang hiram natin?

Isa sa mga suliranin ng mga grammarian, linguist at mga guro ang paraan ng pagbaybay sa mga salitang hiniram ng Pilipinas mula sa ibang bansa. Maging ang buong lipunan ay sangkot sa suliraning ito. Kung kaya naman dapat ay maging katanggap-tanggap sa mga karaniwang Pilipino at buong samabayanan ng paraan ng pagbaybay sa mga hiram na salita.
Sa kalahatan, ang namamayaning prinsipyo sa pagbabaybay ng mga salitang hiram ay ayon sa bigkas nito. Ngunit hindi lahat ay kayang isulat ayon sa bigkas gamit ang alpabetong Filipino kung kaya naman nagkaroon din tayo ng walong karagdagang letra. Para na rin ito sa ibang mga salita na kapag binaybay sa ating wika ay lubusang nababago ang ispeling at hitsura. Mas mabuti na pansamantala na lamang nating hiramin ng walang pagbabago ang mga salita upang mas madaling maintindihan.
Kailangan ay may mga altuntunin tayong sinusunod sa panghihiram ng salita dahil kung patuloy tayong manghiiram ng salita ay posibleng mawala o mamatay ang ating sariling wika. Kapag mas marami na ang gumagamit ng mga hiram na salita o di kaya ay marami na ang mas gustong magsalita gamit ang wikang banyaga.
Base sa aking napag-alaman mula sa mga artikulo at mga research journal sa internet may mga sinusunod tayong tuntunin sa pagbabaybay ng mga hiram na salita alinsunod sa ortograpiya ng ating wikang pambansa.

• Hangga't maaari ay huwag tayong manghiram ng salita. Maaaring ihanap muna natin ito ng katumbas sa ating sariling wika. Halimbawa ay ang salitang “rule”, marahil iisipin ng karamihan na isulat ang salitang ito gamit ang pagbabaybay na “rul” ngunit kung ating titingnan ay maaari nating gamitin ang katumbas nitong salita sa ating wika, ang “tuntunin”.
• Kapag ang salitang hiniram naman ay pangalan ng mga hayop sa ating bansa ay maaari nating gamitin ang mga katumbas nitong rehiyunal o lokal na salita. Halimbawa ay ang “tarsier”, maari nating gamitin ang Bol-anon na katawagan para dito – ang “mamag” at ang “whale shark” ay maaring tawaging “butanding” na siyang tawag ng mga taga-Bikol dito.
• Kapag ang salitang hihiramin ay sadyang walang eksaktong katumbas sa ating wika, maaari nating hiramin ang salita at baybaying alinsunod sa ating wikang pambansa o di kaya ay panatilihin ang orihinal nitong anyo. Halimbawa ay ang “philosophy”, maaari natin itong isulat bilang “pilosopiya” at ang salitang “psicologia” na salitang Espanyol ay maaaring baybayin ng “sikolohiya”. Tanggap din sa ating wika ang pagbabaybay gaya ng “arkiyoloji” mula sa salitang “archaeology”.
• Pinakamabuting gawin sa pagbabaybay ng mga salitang ating hinram ay sumunod sa opisyal na pagtutumbas ng Komisyong ng Wikang Filipino at iba pang mga ahensya ng pamahalaan. Ang mga institusyong ito ay naglalathala ng mga opisyal na pagtutumbas sa mga termino sa likas na agham, agham panlipunan, sining at panitikan.

Sa pagbabaybay ng mga hiram na salita ay maari naman nating panatilihin ang orihinal na anyo ng mga salita lalo na kung ito ay salitang pantangi, panteknikal at pang-agham. Halimbawa ay ang pangalan na “Manuel Roxas”, hindi natin maaring isulat ito ng “Manwel Rohas” sapagkat lubusang mababago ang pangalan gayundin naman sa mga pangalan ng lugar gaya ng Ilocos Norte at Barasoain. Gayunpaman ay may ibang tao pa rin na binabaybay ayon sa wikang Filipino ang pangalan ng lugar gaya ng “Quiapo”, ginagamit ng iba ang ispeling na “Kiyapo”. Pagdating sa mga siyentipikong terminolohiya tulad ng “sodium chloride” at “enzymes”, mas mainam na baybayin o panatilihin ang orihinal nitong anyo upang mas madaling maintindihan ng mga Pilipino. Gayunpaman, may mga ang mga siyentipikong termino na rin tayong naisalin sa ating wikang pambansa. Ang Sentro ng Wikang Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas ay naglilimbag ng mga siyentipikong libro gamit ang wikang Filipino. Isa na rito ay ang “Histolohiya: Mga Konsepto at Proseso” ni Dr. Annabelle A. Herrera. Layunin ng institusyong ito na palaganapin at pagyamanin ang wika at kulturang Filipino.
Ang mga hiram naman nating salita mula sa wikang Espanyol maliban lamang sa mga pangalang pantangi ay maari na nating baybayin alinsunod sa ating katutubong sistema. Halimbawa ay ang “cebollas” → “sibuyas”, “componer” → “kumpuni” at “abuelo” → “lolo”. Maging ang mga salita na ginagamitan dati ng letrang q tulad ng “qui” at “que” ay maari nating baybaying gamit ang letrang k.
Ang mga salitang hiniram natin mula sa wikang Ingles ay maaari ring panatilihin ang orihinal na anyo. Halimbawa ay ang mga salitang “daddy”, “boyfriend” at “joke”. Kung ang salitang ating hiniram ay malayo na ang kahuluhan sa orihinal na salita ay maaari na natin itong baybayin gamit ang katutubong sistema gaya ng istambay mula sa “stand by” at apir mula sa “up here”.
Dapat din nating gamitin sa pagbabaybay ang mga salitang matagal na o palagiang ginagamit bilang pantumbas sa hiniram na salita. Halimbawa ay ang paggamit ng telepono at hindi “telefon” o “telefono”. Dapat din nating tandaan na ang bawat tunog sa bawat wika ay may kanya-kanyang katangiang pamponolohiya. Hindi natin masasabing ang hiram na salita ay katumbas na ng orihinal na salita kapag mayroon itong magkahawig na tunog. Dapat ay maging mapanuri tayo sa pagbabaybay ng mga hiram na salita. Halimbawa na lamang ay ang paggamit ng “deskriptiv” at “narativ”. Hindi ito magiging katanggap-tanggap sa ating wika sapagkat ang /v/ ating wika ay karaniwang nakikita sa gitnang bahagi ng mga salita at ito ay binibigkas na bilabial sa ating wika at hindi tulad ng sa Ingles na labiodental. Maaring maging katumbas ng salitang “descriptive” at “narrative” sa ating wika ay ang paglalarawan at pasalaysay.
Sa ating pagbabaybay, kailangan nating isaalang-alang ang kahandaan ng mga Filipino sa paggamit ng hiram na salita sapagkat walang buting maidudulot kung ang pagbabaybay na gagamitin ay hindi tatanggapin ng mga karaniwang Filipino. Kailangan nating sundin ang mga tuntunin sa pagbabaybay ng mga hiram na salita upang. Kailangang iipakita nating mga Filipino na hindi tayo malilito, hindi tayo mahihirapang matutunan ang mga opisyal na pagtumbas sa mga hiram na salita. Hindi bobo ang mga Filipino at kaya nating tandaan ang iba't ibang mga pagtumbas na ito. Kailangan nating ipakita na ang wikang Filipino ay isang wika na kayang ipaliwanag maging ang pinakamaliit na detlye ng atom at ang kalakhan ng kalawakan. Sa gayon, tayo bilang isang nasyon, ang mga karaniwang mamamayan kasama ang mga dalubhasa sa wika, ay mabilis na makakakilos tungo sa higit na intelektwalisasyon at siyentipikasyon ng wikang Filipino, ang ating tinay na wikang pambansa.

3. Marami ang wikang ginagamit sa Pilipinas mula norte hanggang sur. Anong buti, bilang isang Pilipino, na malaman ninyo kung anu-ano ang mga ito?

Ang Pilipinas ay nagtataglay ng 11 na lenggwahe at halos 87 diyalekto. 90 porsiyento ng ating populasyon ay gumagamit ng Tagalog, Cebuano, Ilocano, Hiligaynon, Bicolano, Waray-Waray, Pampangan at Pangasinense bilang kanilang native tongue. Ang mga ito ay nagmula sa Malay-Polynesian language family na siyang pinagmulan din ng mga wika ng mga Indonesian at Malay. Bawat wikang ginagamit sa iba't ibang rehiyon sa Pilipinas ay may angking katangian na nahuhubog base sa tradisyon at kultura ng mga ispiker nito.
Bawat diyalekto sa ating bansa ay may kanya-kanyang literary traditions lalo na ang mga Tagalog, Cebuano at Ilokano. Ang mga lenggwaheng ito ay may malapit na relasyon sa isa’t isa. May pagkakahawig ang kanilang mga sound phonemes at morphemes kung kaya naman mas madali para sa kanila na matutunan ang lwnggwahe ng bawat isa.
Ang napakaraming wikang ginagamit sa ating bansa ay sumisimbolo lamang sa yaman ng kultura ng ating bansa. Ito ay sumasalamin kung gaano napagyaman ng ating mga ninuno ang ating wika. Mahalagang pag-aralan nating mga Filipino ang iba't ibang wika sa ating bansa sapagkat ang ating wikang pambansa ay nabuo mula sa pinagsama-samang wika sa buong Pilipinas. Mahalagang malaman natin ito upang mabigyan natin ng halaga ang papel na ginampanan ng iba't ibang wika ng ating bansa sa pag-unlad ng wikang Filipino.
Isang kahalagahan marahil na malaman ang mga wika sa ating bansa ay upang mapagsama-sama natin ang mga magkakauring wika na may parehong katangian. Sa ganitong paraan ay mas madali nating maiintindihan at mas mapapadali ang komunikasyon sa buong Pilipinas. Tinutulungan tayong mga Filipino na mas maintindihan ang koneksyon ng ating wika sa iba pang mga wika sa ating bansa. Sa pamamagitan nito, malalaman natin kung saang lugar sinasalita ang isang wika. Sa ganitong paraan ay malalaman natin kung saang lugar may mga wika na hindi gaanong naiintindihan o hindi pamilyar sa ating mga Filipino. Kadalasan ay mga katutubong etniko ang may mga wika na hindi gaanong nabibigyang pansin sa ating lipunan. Mahalagang malaman nating ang mga wika nila nang sa gayon ay magkaroon tayo ng komunikasyon sa kanila lalo na ang ating gobyerno upang malaman natin ang mga pinagdaraanan nila at ang kanilang mga pangangailangan.
Napakahalaga na malaman at mapag-aralan ang iba’t ibang wika sa bansa lalung-lalo na ng mga dalubhasa sa wika upang maclassify ang mga magkakahawig na salita at malaman ang mga prototype forms ng mga salita sa ating bansa. Mahalagang malaman ito upang malaman kung saang language family kabilang ang ating mga wika. Sa pamamagitan din ng kaaalaman sa mga wikang sinasalita sa ating bansa, maari tayong makagawa ng heograpikal na distribbusyon ng mga linguistic traits sa ating bansa. Maaari nating malaman ang mga linguistic area kung saan mayroong pagkakapareho sa wika dahil na rin sa pakikisalamuha o linguistic contacts ng mga taong naninirahan sa magkaratig na lugar.
Sa pag-aaral din ng mga wika sa ating bansa, malalaman natin ang iba’t ibang kultura ng ating bansa. Dahil ang wika ay isang kultural na institusyon, maari nating malaman ang mga pagkakaparehong kultural ng mga linguistic area na magkapareho ang mga wikang ginagamit. Malalaman natin ang mga genetic at typological relationships ng mga wika sa ating bansa. Maari rin tayong makagawa ng Language Family Tree at genealogy ng ating bansa.
Bilang isang Filipino, mahalagang malaman ang mga wika sa ating bansa sapagkat parte ito ng historikal na pag-unlad ng ating bansa. Marahil ay hindi alam ng karamihan kung saan nagmula ang mga salita na kanilang ginagamit sa kasalukuyan. Marahil aakalain lalo na ng mga kabataan na Filipio lamang ang wika sa ating bansa at lahat ng mga salita ay nagmula lamang dito. Upang mabigyan naman ng halaga ang kontribusyon ng ibang wika sa ating wikang pambansa ay mabuting mapag-aralan natin ito. Mapag-aaralan din natin ang mga pagbabagong naganap sa ating wika sa pamamagitan ng pag-aaral ng iba’t ibang wika sa bansa. Kung paano nakabuo ng mga bagong salita mula sa ating mga diyalekto at wika.
Isang susi din sa ating pag-unlad bilang isang bansa ay ang pagmamahal natin sa ating sariling wika. Bago pa man natin matutunan ang mga wikang banyaga ay mahalagang magkaroon muna tayo ng malalim na pagkakilala sa ating sariling wika. Magsisilbing pundasyon ito ng ating pagiging Filipino at magbibigay sa atin ng identidad bilang isang nasyon na may mayaman kulturang panglinggwistika.


Sanggunian

Greenberg, Joseph H. “The Methods and Purposes of Linguistic Genetic Classification”. Stanford University Press.
Huffman, Stephen. “Mapping the Genetic Relationships of Worlds Languages”.
< http://www.gmi.org/files/Mapping_Genetic_Relationships_World_Languages.pdf>
Komisyon ng Wikang Filipino. “Ang Ortograpiya ng Wikang Pambansa”.
Miclat, Mario I. Ph.D. “Pagsulong sa Ortograpiyang Filipino Bilang Salamin ng Kasaysayan at Kulturang Pambansa”
Tubeza, Phillip. “Local Dialects Key to Global Success”. Philippine Daily Inquirer. June 22, 2010.
U.S. Library of Congress. “Philippine Language Diversity and Uniformity”.
< http://countrystudies.us/philippines/36.htm>
Zafra, Galileo S. Ph.D. “Ang Estandardisasyon ng Wika at ang Pagsusulong ng Filipino sa Akademya: Introduksiyon sa Gabay sa Pagbaybay”. Sentro ng Wikang Filipino, U.P., 2004

No comments:

Post a Comment