Friday, October 14, 2011

Bakit/Paano Ako Nagsusulat? : Sa Kandungan ng mga Titik at Letra


Ourlad Alzeus G. Tantengco
201059051 BS Biology
MPs 10 WF 1:00 – 2:30PM

Sa Kandungan ng mga Titik at Letra

Hindi maitatanggi ninuman ang kahalagahan ng pagsusulat. Hindi lamang ito sistema ng mga arbitratyong linya na naiintidihan ng isang lipon ng mga indibidwal. Bagkus ito ay kanlungan din ng ating mga gunita, materyal na manipestasyon ng ating saloobin at nararamdaman na hindi natin maipahayag ng berbal at sa iilang mga tao lalo na ang mga manunulat, ang pagsulat ang kanilang buhay. Hindi lang dahil nagkakaroon sila ng pera dahil sa pagsusulat kung hindi nagbibigay ito ng kakaibang kaligayahan sa kanila na kailanman ay hindi kayang pantayan ng anumang halaga.  Paano kaya kung hindi ka nakakapagsulat? Paano kung isang araw ay mawala na ang konsepto ng pagsusulat?
Marahil iba-iba tayong ng dahilan kung bakit tayo nagsusulat. Maaring dahil kailangan upang hindi ka mabansagan ng kapwa mo na ikaw ay mangmang o walang alam. Ang iba naman ay para sa kanilang edukasyon dahil gusto nilang mapagbuti ang kanilang kaalaman at karunungan sa pamamagitan ng pagsusulat. May mga taong nagsusulat para kumita ng pera. May mga nagsusulat upang magkaroon ng komunikasyon sa mga mahal sa buhay. May mga nagsusulat upang makilala sa industriya ng literatura. At may mga taong nagsusulat para lamang makatakas sa reyalidad ng lipunang ating ginagalawan at mamuhay sa makulay mundo ng mga letra.
Iba-iba ang dahilan kung bakit tayo nagsusulat. Maging ako sa bawat yugto ng buhay ko, iba-iba ang dahilan kung bakit ako nagsusulat. Iba-iba ang pamamaraan at iba-iba ang aking inspirasyon. Matagal na din akong nagsusulat ngunit kalian lang noong lubusan kong nalaman kung bakit ako nagsusulat. Hayaan ninyong ikwento ko sa inyo kung paano ko natagpuan ang tunay na kahulugan ng aking pagsusulat.
Pagkilala sa Istruktura ng Letra
Ako, hindi ko alam kung paano ako nagsimulang magsulat. Basta ang naaalala ko ay napilitan akong pag-aralan ito dahil sa matiyagang pagtuturo ng nanay. Hindi kasi kami pinapayagang manood ng telebisyon o maglaro kasama ang aming mga pinsan hangga’t hindi kami nag-aaral ng pagbabasa at pagsusulat. Noong mga panahong iyon ay hindi ko pa lubos na naiintindihan kung bakit buong puso kaming tinuturuan ng nanay na magsulat. Saka ko na lamang nalaman ang lahat noong nagsimula na akong pumasok ng paaralan.
Hindi naging madali ang pagkilala ko sa organisasyon ng mga linyang noon ko lamang nakita. Nanginginig pa ang aking mga daliri habang marahan kong ginagaya ang anumang linyang iginuguhit ng nanay. Madalas na nawawala sa linya ang aking mga isinusulat. Hindi pareho ang sukat ng mga letra. Matagal bago ko nagamay ang pagsusulat. Ang pagsusuat ay isang proseso na kailangan mong isapuso upang lubusan mong makilala.
Pag-angkin sa Paraan ng Pagsulat
            Sariwa pa sa aking gunita ang unang araw ko sa paaralan. Tandang-tanda ko pa noong unang beses kaming pasulatin ng aming guro ng aming mga pangalan. Dali-dali akong sumulyap sa bintana ng aming silid-aralan kung saan tanaw ko ang aking nanay na naghihintay. Nakalimutan ko ang paraan ng paggalaw ng aking mga daliri upang maisulat ng tama ang aking pangalan. Kinabahan ako at nang hindi ko na talaga maalala ang tamang paraan, naiyak na lamang ako sa aking upuan.
            Noong araw na iyon ay nalaman ko kung bakit pinagtutuunan ng pansin ng nana yang pagtuturo sa amin kung paano magsulat. Dahil gusto niya kaming maging handa sa pagpasok namin sa pag-aaral.
            Matapos ang unang araw ng klase sa kindergarten ay kinausap ko ang nanay. Sinabi ko na pagbubutihan ko na ang pag-aaral ng pagsulat. Matiyaga kong pinag-aralan ang lahat ng itinuturo ng nanay. Hindi naglaon ay natutunan ko ng buong puso ang pagsusulat. Lubusan kong nagamit ang panulat upang mahasa pa ang aking karunungan.
           
            Pagpasok ko sa mataas na paaralan ay nag-iba ang pagtingin ko sa pagsusulat. Naging mas malalim ang ugnayan naming ng aking pluma. Kung dati ay ginagamit ko lamang siya panulat ng mga lektura, pangsagot sa mga pagsusulit at panggawa ng mga proyekto, ngayon ay naging malalim ang dahilan ng aking pagsusulat. Marahil ay bunga na rin ng maraming akdang aking nabasa.
            Nagkaroon ako ng inspirasyon mula sa mga akda nila Genoveva Edroza-Matute, Ligaya Tiamson-Rubin at Efren Abueg. Nahumaling ako sa pagbabasa ng kanilang mga akda. Naging mataas ang paghanga ko sa mga Pilipinong manunulat. Nagpatuloy ako sa pagbabasa. Noong mga panahong iyon ay nahimlay ako sa kandungan ng mga babasahing Pilipino.
Pakikipagtipan sa mga Letra
            Sa pagbabasa ko naranasang maglakbay sa isang unibersong katha ng mga magagaling na manunulat. Tinatangay ako ng kanilang mga malikhaing salita na animo’y rumaragasang daluyong ng tubig mula sa karagatan. Dinadala ako ng kanilang dakilang panulat sa alapaap ng kaligayahan. Kasama ko ang mga konseptong halaw mula sa kanilang balarilang hindi nauubusan ng mga dakilang ideya. Nadama ko sa tono ng kanilang akda ang damdamin at mensaheng nais nilang iparating sa aming mga mambabasa.
            Dito nagsimula ang paglalakbay ko patungo sa reyalisasyon ng tunay na dahilan ng aking pagususulat. Dumating ako sa punto ng aking buhay na ayaw ko nang maging pasibong element na lamang na umaangkas sa balintataw at pang-unawa ng mga manunulat ng mga akdang aking binabasa. Oo, aaminin kong naging masaya ako sa una ngunit nagkaroon ako ng pagnanais na makagawa ng sarili kong katha. Gumawa ng sarili kong unibersong ako naman ang magdidikta ng kapalaran ng mga tauhan sa akda. Nagkaroon ako ng pag-aasam na mabasa ng ibang tao.
            Nagsimula akong sumubok na magsulat. Nagkaroon ako ng mga paghihirap. Napagtanto ko na hindi ganoon kadaling magsulat. Mahirap bumuo ng mga konseptong ilalagay mo sa kwentong iyong isusulat. Kailangan mo ng maaliwalas at matahimik na lugar upang makapag-isip ng maayos. Ito ang mga naging karanasan ko sa pagsusulat. At ito ang nagsilbing hamon sa akin upang lalong magpursigisa buhay at lalo pang pagibayuhin ang aking talent sa pagsusulat.
Paghabi ng mga Letra
            Nagsimula akong magsulat noong unang taon ko sa high school. Naging parte ako ng opisyal na pahayagan ng aming paaralan. Malaking pasasalamat ko na nakasama ako Campus Journalism. Dito ko napaghusay ang aking talent sa sining ng pagsusulat. Nagsimula akong humabi ng mga salita upang maging balita na ilalagay sa aming  pahayagan. Ibang saya ang aking nadama lalo na at alam kong maraming tao ang nakakabasa ng aking mga naisulat.
            Naging bahagi din ako ng iba’t ibang kompetisyon sa pagsusulat. Naging kalahok ako sa mga Campus Journalism contests sa aming lalawigan. Hindi naging matamis ang karanasan ko sa unang pagkakataon kong sumali sa ganitong uri ng patimpalak. Ilang taon akong sumali sa News Writing in Filipino Contest sa Division Schools Press Conference sa Bataan. Nagkaroon ako ng maraming kasawian. Nasa ikatlong taon na ako ng high school ay hindi ko pa rin nakakamit ang tagumpay sa pagsusulat. May mga panahong naiisip ko na baka hindi talaga ako marunong magsulat o kaya naman ay baka ayaw talagang makipagtipan sa akin ng letra.  Naramdaman ko ang labis na kalungkutan sapagkat hindi ko alam kung paano ko hahabiin ang mga letra upang makabuo ng isang magandang obra.
Bagong Simula at Pag-asa
            Dumatin ang huling taon ko sa high school. Nangangahulugan din ito ng huling taon ko bilang bahagi ng opisyal na pahayagan ng aming paaralan.  Dead end kung tutuusin. Ito na rin ang huling pagkakataon ko upang maipakita ang aking galing sa pagsusulat. Napagpasyahan kong hindi na sumali sa patimpalak sa Pagsulat ng Balita. Napagtanto ko kasi na masyadong limitado ang mga konseptong maaari kong gamitin sa pagsulat nito. Nalilimitahan ang paggamit ko sa mga malikhaing mga salita.
            Naglakas-loob akong sumubok sa pagsulat ng lathalain. Dito ay mas naging malaya ako sa pagsusulat. Nagawang  kong paglaruan ang mga letra upang makabuo ng isang malikhaing akda. Nakaramdam ako ng kalayaan at kasiyahan. Nabuhayan ako ng loob. Ang inaakala kong magiging dead end ng aking pagsusulat ay siyang naging daan upang lalo kong mapagbuti ang aking pagsusulat.
            “Huli man daw at magaling, naihahabol din”. Napakasarap liripin sa akin isipan ang mga panahong tahimik akong nakaupo sa isang sulok ng conference hall. Mataimtim na nagdadasal para sa magiging resulta ng patimpalak. Naroon ang aking pag-asang kahit sa huling taon ko sa high school ay manalo ako sa patimpalak sa pagsulat. Nang dumako na sa pag-aanunsiyo ng mga nagwagi sa kategorya ng Pagsulat ng Lathalain ay lalong bumilis ang tibok ng aking puso. Ilang sandali lamang, ay parang nagliwanag ang buong paligid, animo’y bumaba ang mga anghel sa lupa at nagbubunyi sa aking pagkapanalo. Narinig ko ang aking pangalan na binanggit at kasama sa mga nagwagi.
            Ang karanasang iyon ang nagpatunay sa akin na hindi ako kailangang magpadaig sa mga kasawian nakakamit ko sa pagsusulat. Maging ang mga magagaling na manunulat ay dumaan din sa ganitong mga kasawian. At lahat ng ito ay naging malaking bahagi at tulong sa kanilang pag-unlad. Nakasisiguro ako na lahat ng mga magaling na manunulat ngayon ay dumaan muna sa dagok sa pagsusulat. Natalo muna, nagkamit muna ng mga honourable mentions sa Palanca Awards bago mapasali sa tatlong pinakamagaling na akda at maging Hall of Famer ng nasabing patimpalak.
            Marahil ay may kanya-kanyang oras talaga kung kalian natin tunay na maiintindihan ang hiwaga ng pagsusulat. It is not the triumph but the struggle, ika nga ng karamihan. Dahil hindi naman talaga ang pagkapanalo ang magiging basehan kung gaaano ka kagaling na manunulat. Nagbago ang aking paningin sa mga karangalang maaring makamtan sa pagsusulat. Para sa akin, hindi magandang sukatan ang mga sertipiko at medalyang nakukuha natin mula sa pagsusulat. Ang mahalaga ay nagsusulat tayo ng buong puso at kaluluwa. Nagsusulat tayo upang maging kabahagi tayo ng hiwaga ng pagsusulat. At gusto nating maging inspirasyon sa karamihan lalo na sa mga taong nawawalan ng lakas ng loob at pag-asa sa buhay.
Renaissance sa Pagsusulat
            Nang pumasok ako sa kolehiyo ay nawalan ako ng panahon sa pagsusulat. Naging malamig ang ugnayan naming ng aking panulat. Hindi na naming magawang bumuo ng kahit simpleng akda. Kahit anong pilit ang aking gawin ay nahihirapan pa din akong balikan ang mga panahong umaapaw sa konsepto at ideya ang aking balintataw. Nananabik akong balikan ang mga panahon nakakapagsulat ako ng maayos at matiwasay.
            Sa aking pag-iisip ay nakadama ako ng labis na pagkatakot. Isang malaking katanungan sa aking isip kung bakit labis akong nawalana ng sigla at gana sa pagsusulat. Alam ko sa aking isipan na gusto kong magsulat ngunit ayaw tumipa ng aking mga daliri upang makapagsulat. Sa aking palagay ay masyado lamang akong nalunod sa mga technical papers, laboratory reports at mga formal reports kaya bahagyang nawala ang aking hilig sa pagsulat ng mga malikhaing sanaysay at akda.
            Humigit kumulang isang taon akong hindi nagsulat. Nasayang ang matagal na panahong iyon na sana ay nakapagsulat ako ng maraming mga akda. Naroon ang panghihinayang sa aking puso. Ngunit wala akong nagawa kung hindi tanggapin na lamang ang katotohanang nawalan ako ng pagkasigasig sa pagsusulat. Ngunit hindi ako pumayag na hanggang doon na lamang ang aking paglalakbay kasama ang mga titik at letra. Hindi ako nagpadala sa kawalan ng gana sa malikhaing pagsusulat.
            Kumuha ako ng mga kurso sa Filipino at Malikhaing Pagsulat upang matulungan akong buhayin muli ang kagustuhan kong magsulat. At batid kong hindi pa ako gaanong maalam sa pagsusulat kung kaya’t sinamantala ko ang oportunidad na maturuan ng mga batikang manunulat sa pamantasang aking pinapasukan. Hindi naman ako nagsisi sa desisyong aking ginawa. Nagkaroon ako ng renaissance period sa aking buhay bilang isang taong mahilig magsulat. Malaking tulong ang mga bagay na aking natutunan mula sa mga kursong aking pinag-aralan. Nakapagpatibay ito sa aking
Pag-unawa
            Ang buhay daw ay isang napakalaking aklat. Ang dalumat at banghay ay matagal ng naisulat ng Poong Lumikha. Ang  ating mga karanasan ang nagsisilbing pluma ng ating talambuhay. Nakasalalay sa ating kung susundin natin ang banghay na inihanda ng Panginoon para sa atin. An gating buhay ay isang aklat na daig pa ang pinakamagandang akdang naisulat sa kasaysayan ng mundo. Marahil may panahong ng kapighatian at mayroon din naman panahon ng kaligayahan. Ngunit ang lahat ng ito ang nagbibigay ng substansya at sangkap sa kwento ng ating buhay.
            Namamangha ako tuwing naiisip ko ang mga akdang naisulat noong unang panahon pa at napanatili at naipreserba hanggang sa kasalukuyan. Isang librong nagbigay sa akin ng tunay nakahulugan ng pagsusulat ay ang Bibliya. Kung ating iisipin ay napakatagal nang naisulat ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa ring nababasa sa iba’t ibang panig ng mundo. Maraming buhay ang nabago at malaking pasasalamat ko sa Panginoon sa pagbibigay ng pagkakataong mabasa ang kwento ng kanyang buhay. Nagbigay ito ng pagkakapaliwanag sa akin kung bakit ba talaga ako nagsusulat.
            Napagtanto ko na gusto kong magsulat dahil gusto kong makapasok sa puso ng aking mga mambababasa at maiparating sa kanila ang damdaming aking nararamdaman. Gusto kong magsulat dahil gusto kong magamit ang talentong ibinigay sa akin ng Panginoon. Una ay para mapapurihan Siya sa mga akdang aking naisulat at pangalawa ay maging inspirasyon ng mga taong makakabasa ng aking mga kwentong naisulat.
            Kamakailan lang ay isinugod ako sa hospital dahil biglang bumilis ang tibok ng aking puso, nakaramdam ako pagkahilo at nagdilim ang aking paningin. Naipaliwanag sa akin ng pagkakataong iyon na hindi permanente ang buhay sa mundong ito. Tayo ang panandalian lamang namamalagi dito at sa kalaunan ay lilisanin din natin ito. Naitanong ko sa sarili ko na kung sakaling tawagin na ako ng Panginoon sa Kanyang kaharian, may mga tao pa kayang makakaalala sa akin. Hindi naman ako sikat na personalidad, ako ay isang simpleng mag-aaral lamang. Tiyak na mabubura rin ako sa alaala ng mga taong nakakilala sa akin. Dahil dito ay mas tumibay ang aking pagnanais na ipagpatuloy ang aking pagsusulat. Kahit man lamang may iilan na makagunita sa mga panahong napasayaw sila ng indayog at yaman ng aking panulat at nakasama ko sa mundong likha ng aking malikhaing imahinasyon at kaisipan ay lubos ko nang ikaliligaya
            

No comments:

Post a Comment