Friday, October 14, 2011

Ang Kabutihan ni Blessed Teresa of Calcutta


Ourlad Alzeus G. Tantengco
BS Biology 201059051
MPs 10 1:00 – 2:30 PM        

“Love Until It Hurts”

            Bakit ba ako nabubuhay? Sabi sa kanta sa simbahan, walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Ayon din sa kanta tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa. Hindi ko lubos na naiintindihan kung ano ang ibig ipakahulugan ng mga kanta. Nasa elementarya pa ako nang una kong marinig ang kantang ito. Basta kinakanta ko lang siya tuwing may misa.
            Naging mapalad ako sapagkat nagkaroon ako ng pagkakataon na masulyapan ang naging buhay ni Blessed Teresa of Calcutta sa pamamagitan ng isang pelikula tungkol sa kanya. Buong pusong nangusap ang bawat eksena sa pelikula at masusing naipaliwanag sa akin ang sagot sa aking mga katanungan. Nagkaroon ng kaliwanagan kung bakit ang tao ay nabubuhay hindi para sa sarili lamang kung hindi para sa lahat.
            Sa edad na labingwalo ay nanumpa si Blessed Teresa na maging isang misyoonaryo at tagapagpahayag ng salita ng Diyos. Naging mahirap ito para sa kanya sapagkat kailangan niyang lisanin ang kanyang mga mahal sa buhay. Pumasok siya sa kumbento ng Sisters of Loreto sa Ireland. Matapos ang isang taon ay nagtungo sa India upang doon ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa Panginoon. Naging guro siya sa kumbento sa Calcutta. Nagtuturo siya ng Heograpiya at tungkol sa buhay ng Panginoon sa mga mag-aaral.
            Dumating ang panawagan ng Panginoon kay Blessed Teresa sa hindi inaasahang panahon. Paalis siya ng Calcutta upang dumalo sa kanyang annual retreat ng may makita siyang isang pulubing humihingi ng konting limos. Noong araw na iyon ay natanggap ni Blessed Teresa ang inspirasyon mula sa Panginoon. Nagkaroon ng maigting na pagnanais sa puso ni Blessed Teresa na kalingain ang mga uhaw na buhay at kaluluwa ng kanyang mga kapwa sa Calcutta, India.
            Ipinagdasal ni Blessed Teresa ng ilang buwan ang panawagan ng Panginoon sa kanyang puso na maging daluyan ng pag-ibig ng Panginoon. Lalung-lano sa mga kapwa niyang uhaw sa tunay na pag-ibig at pagmamahal. Napagpasiyahan niyang lumabas ng kumbento ng Loreto at pumasok sa mundo ng mga taong naghihikaos sa buhay. Sa kauna-unahang pagkakataon ay lumabas si Blessed Teresa sa bakod ng kumbento na nakasuot ng puting damit na may asul na linya sa gilid.
            Panandaliang nag-aral siya ng simpleng pamamaraan ng panggagamot at muli ng bumalik sa Calcutta upang magtayo ng isang lugar kung saan maaari niyang alagaan ang mga mahihirap na kadalasang hindi napapansin n gating lipunan. Bumalik siya upang kalingain ang puso ng mga taong itinatakwil sa lipunan sapagkat sila ay may sakit, mahirap at walang pinag-aralan.
            Bumisita siya sa mga slums sa Calcutta, hinugasan ang sugat ng mga bata, nag-aruga sa matandang nag-aagaw buhay at nagkalinga sa isang babaeng halos mamatay na sa gutom. Ganito na ang naging pang-araw-araw na buhay ni Blessed Teresa. Uumpisahan niya ang kanyang umaga sa pakikipagtipan sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdadasal, tutungo sa lugar kung saan may nangangailangan ng kanyang kalinga habang hawak ang banal na rosaryo sa kanyang kamay.
            Sa biyayang kaloob ng Panginoon ay marami sa kanyang dating mga mag-aaral sa kumbento ng Loreto ang nagkaroon din ng pagnanais na tumulong sa mga nangangailangan. Isa-isa siyang sinamahan ng mga ito at nagsilbi sa kapwa at sa Panginoon. Nakakamangha kung paano nangusap at nanawagan ang Panginoon sa puso ng mga taong nakakakita ng kadakilaan ni Blessed Teresa. Maraming tao ang nagkaroon ng inspirasyon na ialay ang kanilang buhay para sa kabutihan ng nakararami.
            Hanggang sa huling sandal ng buhay ni Blesed Teresa ay inilaan niya upang pagsilbihan ang mga kapatid niyang higit na nangangailangan hindi lamang ng kalingan-pisikal lalung-lalo na pang-espiritwal. Nagsilbing tanglaw ang buhay ni Blessed Teresa sa libu-libong taong kanyang natulungan. Maraming puso ang naliwanagan at maraming buhay ang nabago nang malaman ang serbisyong kaniyang inialay para sa sangkatauhan at sa Panginoon.
            Malaki ang pasasalamat ko sa Panginoon at nalaman ko ang buhay ni Blessed Teresa. Isa siyang halimbawa ng mabuting lingkod ng Panginoon. Ang kanyang dedikasyon na magtungo sa lugar kung saan naroon ang mga taong masasabi nating poorest of the poor.  Hindi naging hadlang ang mga pagsubok at mga kaguluhang bumalakid sa kanyang daan upang mapagsilbihan ang Panginoon.
            “As you did to one of the least of your brethren, you did it to me” (Matthew 25:40). Tuwing nababasa ko ang bersong ito sa Bibliya ay palagi kong naaalala at patuloy na naiintindihan ang serbisyong inialay ni Blessed Teresa sa kanyang mga kapwa. Ang pagtulong na ibinigay niya ay para na ring pagtulong niya sa Panginoon. Dahil ang katawan ng tao ay templo ng Panginoon. Nilikha Niya tayong kawangis Niya. Kung kaya naman ano man ang gawin natin sa ating kapwa ay siya ring ginagawa natin sa Panginoon.
            Ang mga paghihirap ng pinagdaanan ni Blessed Teresa ay isang inspirasyon sa akin na patuloy na ialay ang aking buhay para sa Panginoon. Ang paghihirap na dinanas ni Blessed Teresa ay masasabi nating pakikibahagi sa paghihirap na dinanas ni Kristo sa tao noong akuin Niya ang kamatayan bilang kabayaran n gating mga kasalanan. Sa mga panahong nakararanas ako ng problema at pagsubok ay lagi akong nananangan sa Panginoon. Sapagkat siya ang may hawak ng aking buhay. Siya ang may-akda ng kwento ng aking buhay. Katulad ni Blessed Teresa, ako rin ay nilikha ng Panginoon hindi lamang para aking sarili kung hindi para sa aking kapwa.
            Ang buhay ni Blessed Teresa ay nagsilbing paalala sa akin na mahalin ang aking kapwa at tumulong nang hindi naghihintay ng kapalit. Naliwanagan ako na dapat ay maging buhay na patotoo ako na mapagpala ang Panginoon. Nagkaroon ako ng pagnanais na maging pagpapala sa ibang tao tulad ng ginawa ni Blessed Teresa. Natutunan kong magtiwala sa Panginoon sapagkat alam kong walang hinangad ang Panginoon kung hindi ang mapabuti ako.
            Bilang isang mag-aaral sa isang pribadong katolikong paaralan noong ako ay nasa high school pa ay marami akong natutunan tungkol sa Panginoon. Nagkaroon ako ng pagkakataon na maibahagi ang lahat ng aking mga natutunan sa pamamagitan ng pagututuro ng katekismo sa mga katutubong Aeta sa isang komunidad sa lalawigan ng Bataan. Tulad ni Blessed Teresa ay nakita ko sa mga mata ng mga katutubong ito ang pagnanais nilang mapawi ang kanilang espiritwal na pagkauhaw at pagkagutom. Nakita ko ang kagustuhan nilang magkaroon ng personal na relasyon sa Panginoon.
            Isang beses sa isang buwan kung kami ay magpunta sa bundok na kanilang kinalalagyan. Mahirap man ang daan patungo sa kanila ay nagagawa pa rin naming pumunta sa kanila dahil ang Panginoon ang nagbibigay sa amin ng ibayong lakas upang matulungan ang mga kapatid naming Aeta. Nagdadala kami ng kakaunting pagkain na kanilang magagamit upang matustusan ang kanilang pisikal na kagutuman. Nagbibigay din kami ng mga gamit sa paaralan upang magamit ng mga kabataan sa kanilang lugar na nag-aaral sa isang day care center sa kanilang komunidad. At higit sa lahat ay tinuturuan naming sila tungkol sa buhay pananampalataya.
            Tatlong taon akong naging bahagi ng Campus Ministry ng aking paaralan. Bawat oras na aking buhay na inilaan ko para sa pagsisilbi sa Panginoon at sa aking kapwa ay maituturing kong kayamanan na hindi mananakaw ninuman. Hindi laman ako nakatulong sa ibang tao bagkus ay natulungan ko din ang sarili kong lumago sa pananampalataya sa Panginoon.
            Masaya ako sa paglilingkod sa Panginoon. Walang nasasayang na panahon sa paglilingkod ko sa kanya. Sapagkat ang buong buhay ko ay pagmamay-ari ng Panginoon. Kung kaya’t marapat lamang na ialay ko ito sa Kanya. Sa simpleng paraan na kaya kong gawin ay iniaalay ko ito sa Panginoon. Laging kasama sa aking panalangin ang bigyan ako ng gabay ng Panginoon na nawa ay mapapurihan ko siya sa bawat oras at bawat ginagawa ko sa aking buhay.
            Nawa ay sa simpleng akdang ito na aking naisulat ay makapasok sa puso ng sinumang makakabasa na mabuhay para sa Panginoon na Siyang may bigay ng ating buhay. Sana ay Makita natin ang kagandahan ng pagtulong sa ating kapawa. Magsilbing inspirasyon nawa sa ating buhay ang naging pakikipagsapalaran ni Blessed Teresa upang mapaglingkuran an gating Panginoon. Huwag nawa tayong mawalan ng tiwala sa Panginoon kung nakakaranas man tayo ng kasawian sa buhay. Huwag nating sisihin ang Panginoon kung hind umaayon sa ating plano ang mga bagay. Dapat ay lagi nating isipin na ang karunungan ng Panginoon ay walang hanggan at kailanman ay hindi natin kayang mapantayan. Kung kaya naman ipaubaya natin sa Panginoon an gating buhay tulad ng pagtitiwalang ibinigay ni Blessed Teresa sa Panginoon.
             By blood, I am Albanian. By citizenship, an Indian. By faith, I am a Catholic nun. As to my calling, I belong to the world. As to my heart, I belong entirely to the heart of Jesus”. Nagsilbi itong paalala sa akin na ang aking buhay ay nabibilang sa Poong Maykapal. Mapalad ako, tayong mga Pilipino sapagkat nabubuhay tayo sa isang bansang Katoliko. Malaya nating naipapahayag an gating pagmamahal sa Panginoon. Hindi pa ba sapat ito upang paglingkuran natin ang Panginoon? Bilang pagtanaw natin ng pasasalamat sa pagtubos Niya sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng dugo ng Panginoon ay nagkaroon muli tayo ng pagkakataon upang magkaroon ng buhay na walang hanggang kapiling Siya.
            Hindi imposible na mapaglingkuran natin an gating mga kapwa. Hindi naman natin kailangang iwanan an gating pamilya at maging isang misyonaryo. Hindi natin kailangang magpakamatay para mapaglingkuran ang Panginoon. Mismong si Blessed Teresa ang nagwika ng mga katagang “We cannot do great things, only small things with great love”. Sa mumunting paraan ay maaari nating mapaglingkuran an gating Panginoon.  Ang simpleng mahalin natin an gating kapwa katulad ng pagmamahal na inialay sa atin ng Panginoon ay pagpapakita ng paglilingkod sa Panginoon. Ang pamumuhay na wala tayong inaapakang tao at ang pagtulong sa ating kapwa ay mga halimbawa ng mga bagay na maari natin ialay sa Panginoon.
            Bago ko tapusin ang aking mumunting akda ay nais kong sagutin kung bakit ba ako nabubuhay sa pamamagitan ng mga katagang binigkas ni Blessed Teresa. “When a poor person dies of hunger, it has not happened because God did not take care of him or her. It has happened because neither you nor I wanted to give that person what he or she needed.” Simple lang ang kasagutan kung bakit ako nabubuhay. Nabubuhay ako dahil sa Panginoon na siyang aking Panginoon at personal na tagapagligtas. Nabubuhay ako upang maging inspirasyon ng mga tao sa lipunang aking ginagalawan. Nabubuhay ako upang maging daluyan ng pag-ibig ng Panginoon. Nabubuhay ako dahil tulad sa sinabi ni Blessed Teresa,I have found the paradox that if I love until it hurts, then there is no hurt, but only more love”. Ang pagmamahal ng Panginoon ay hindi naghihintay ng kapalit, walang hanggan at walang hinihinging kondisyon. 
            Marami tayong pagsubok na mararanasan sa sandaling piliin natin na paglingkuran ang Panginoon. Ngunit an gating pananampalatay ang magbibigay sa atin ng kaginhawaan. Ikukubli tayo ng Panginoon sa lilim ng Kanyang mga pakpak mula sa mga kasamaan maaring humadlang sa atin. Magsilbing buhay na testament nawa ang buhay ni Blessed Teresa kung paano natin mapaglilingkuran ang Panginoon ng buong puso at buong kaluluwa.

Bakit/Paano Ako Nagsusulat? : Sa Kandungan ng mga Titik at Letra


Ourlad Alzeus G. Tantengco
201059051 BS Biology
MPs 10 WF 1:00 – 2:30PM

Sa Kandungan ng mga Titik at Letra

Hindi maitatanggi ninuman ang kahalagahan ng pagsusulat. Hindi lamang ito sistema ng mga arbitratyong linya na naiintidihan ng isang lipon ng mga indibidwal. Bagkus ito ay kanlungan din ng ating mga gunita, materyal na manipestasyon ng ating saloobin at nararamdaman na hindi natin maipahayag ng berbal at sa iilang mga tao lalo na ang mga manunulat, ang pagsulat ang kanilang buhay. Hindi lang dahil nagkakaroon sila ng pera dahil sa pagsusulat kung hindi nagbibigay ito ng kakaibang kaligayahan sa kanila na kailanman ay hindi kayang pantayan ng anumang halaga.  Paano kaya kung hindi ka nakakapagsulat? Paano kung isang araw ay mawala na ang konsepto ng pagsusulat?
Marahil iba-iba tayong ng dahilan kung bakit tayo nagsusulat. Maaring dahil kailangan upang hindi ka mabansagan ng kapwa mo na ikaw ay mangmang o walang alam. Ang iba naman ay para sa kanilang edukasyon dahil gusto nilang mapagbuti ang kanilang kaalaman at karunungan sa pamamagitan ng pagsusulat. May mga taong nagsusulat para kumita ng pera. May mga nagsusulat upang magkaroon ng komunikasyon sa mga mahal sa buhay. May mga nagsusulat upang makilala sa industriya ng literatura. At may mga taong nagsusulat para lamang makatakas sa reyalidad ng lipunang ating ginagalawan at mamuhay sa makulay mundo ng mga letra.
Iba-iba ang dahilan kung bakit tayo nagsusulat. Maging ako sa bawat yugto ng buhay ko, iba-iba ang dahilan kung bakit ako nagsusulat. Iba-iba ang pamamaraan at iba-iba ang aking inspirasyon. Matagal na din akong nagsusulat ngunit kalian lang noong lubusan kong nalaman kung bakit ako nagsusulat. Hayaan ninyong ikwento ko sa inyo kung paano ko natagpuan ang tunay na kahulugan ng aking pagsusulat.
Pagkilala sa Istruktura ng Letra
Ako, hindi ko alam kung paano ako nagsimulang magsulat. Basta ang naaalala ko ay napilitan akong pag-aralan ito dahil sa matiyagang pagtuturo ng nanay. Hindi kasi kami pinapayagang manood ng telebisyon o maglaro kasama ang aming mga pinsan hangga’t hindi kami nag-aaral ng pagbabasa at pagsusulat. Noong mga panahong iyon ay hindi ko pa lubos na naiintindihan kung bakit buong puso kaming tinuturuan ng nanay na magsulat. Saka ko na lamang nalaman ang lahat noong nagsimula na akong pumasok ng paaralan.
Hindi naging madali ang pagkilala ko sa organisasyon ng mga linyang noon ko lamang nakita. Nanginginig pa ang aking mga daliri habang marahan kong ginagaya ang anumang linyang iginuguhit ng nanay. Madalas na nawawala sa linya ang aking mga isinusulat. Hindi pareho ang sukat ng mga letra. Matagal bago ko nagamay ang pagsusulat. Ang pagsusuat ay isang proseso na kailangan mong isapuso upang lubusan mong makilala.
Pag-angkin sa Paraan ng Pagsulat
            Sariwa pa sa aking gunita ang unang araw ko sa paaralan. Tandang-tanda ko pa noong unang beses kaming pasulatin ng aming guro ng aming mga pangalan. Dali-dali akong sumulyap sa bintana ng aming silid-aralan kung saan tanaw ko ang aking nanay na naghihintay. Nakalimutan ko ang paraan ng paggalaw ng aking mga daliri upang maisulat ng tama ang aking pangalan. Kinabahan ako at nang hindi ko na talaga maalala ang tamang paraan, naiyak na lamang ako sa aking upuan.
            Noong araw na iyon ay nalaman ko kung bakit pinagtutuunan ng pansin ng nana yang pagtuturo sa amin kung paano magsulat. Dahil gusto niya kaming maging handa sa pagpasok namin sa pag-aaral.
            Matapos ang unang araw ng klase sa kindergarten ay kinausap ko ang nanay. Sinabi ko na pagbubutihan ko na ang pag-aaral ng pagsulat. Matiyaga kong pinag-aralan ang lahat ng itinuturo ng nanay. Hindi naglaon ay natutunan ko ng buong puso ang pagsusulat. Lubusan kong nagamit ang panulat upang mahasa pa ang aking karunungan.
           
            Pagpasok ko sa mataas na paaralan ay nag-iba ang pagtingin ko sa pagsusulat. Naging mas malalim ang ugnayan naming ng aking pluma. Kung dati ay ginagamit ko lamang siya panulat ng mga lektura, pangsagot sa mga pagsusulit at panggawa ng mga proyekto, ngayon ay naging malalim ang dahilan ng aking pagsusulat. Marahil ay bunga na rin ng maraming akdang aking nabasa.
            Nagkaroon ako ng inspirasyon mula sa mga akda nila Genoveva Edroza-Matute, Ligaya Tiamson-Rubin at Efren Abueg. Nahumaling ako sa pagbabasa ng kanilang mga akda. Naging mataas ang paghanga ko sa mga Pilipinong manunulat. Nagpatuloy ako sa pagbabasa. Noong mga panahong iyon ay nahimlay ako sa kandungan ng mga babasahing Pilipino.
Pakikipagtipan sa mga Letra
            Sa pagbabasa ko naranasang maglakbay sa isang unibersong katha ng mga magagaling na manunulat. Tinatangay ako ng kanilang mga malikhaing salita na animo’y rumaragasang daluyong ng tubig mula sa karagatan. Dinadala ako ng kanilang dakilang panulat sa alapaap ng kaligayahan. Kasama ko ang mga konseptong halaw mula sa kanilang balarilang hindi nauubusan ng mga dakilang ideya. Nadama ko sa tono ng kanilang akda ang damdamin at mensaheng nais nilang iparating sa aming mga mambabasa.
            Dito nagsimula ang paglalakbay ko patungo sa reyalisasyon ng tunay na dahilan ng aking pagususulat. Dumating ako sa punto ng aking buhay na ayaw ko nang maging pasibong element na lamang na umaangkas sa balintataw at pang-unawa ng mga manunulat ng mga akdang aking binabasa. Oo, aaminin kong naging masaya ako sa una ngunit nagkaroon ako ng pagnanais na makagawa ng sarili kong katha. Gumawa ng sarili kong unibersong ako naman ang magdidikta ng kapalaran ng mga tauhan sa akda. Nagkaroon ako ng pag-aasam na mabasa ng ibang tao.
            Nagsimula akong sumubok na magsulat. Nagkaroon ako ng mga paghihirap. Napagtanto ko na hindi ganoon kadaling magsulat. Mahirap bumuo ng mga konseptong ilalagay mo sa kwentong iyong isusulat. Kailangan mo ng maaliwalas at matahimik na lugar upang makapag-isip ng maayos. Ito ang mga naging karanasan ko sa pagsusulat. At ito ang nagsilbing hamon sa akin upang lalong magpursigisa buhay at lalo pang pagibayuhin ang aking talent sa pagsusulat.
Paghabi ng mga Letra
            Nagsimula akong magsulat noong unang taon ko sa high school. Naging parte ako ng opisyal na pahayagan ng aming paaralan. Malaking pasasalamat ko na nakasama ako Campus Journalism. Dito ko napaghusay ang aking talent sa sining ng pagsusulat. Nagsimula akong humabi ng mga salita upang maging balita na ilalagay sa aming  pahayagan. Ibang saya ang aking nadama lalo na at alam kong maraming tao ang nakakabasa ng aking mga naisulat.
            Naging bahagi din ako ng iba’t ibang kompetisyon sa pagsusulat. Naging kalahok ako sa mga Campus Journalism contests sa aming lalawigan. Hindi naging matamis ang karanasan ko sa unang pagkakataon kong sumali sa ganitong uri ng patimpalak. Ilang taon akong sumali sa News Writing in Filipino Contest sa Division Schools Press Conference sa Bataan. Nagkaroon ako ng maraming kasawian. Nasa ikatlong taon na ako ng high school ay hindi ko pa rin nakakamit ang tagumpay sa pagsusulat. May mga panahong naiisip ko na baka hindi talaga ako marunong magsulat o kaya naman ay baka ayaw talagang makipagtipan sa akin ng letra.  Naramdaman ko ang labis na kalungkutan sapagkat hindi ko alam kung paano ko hahabiin ang mga letra upang makabuo ng isang magandang obra.
Bagong Simula at Pag-asa
            Dumatin ang huling taon ko sa high school. Nangangahulugan din ito ng huling taon ko bilang bahagi ng opisyal na pahayagan ng aming paaralan.  Dead end kung tutuusin. Ito na rin ang huling pagkakataon ko upang maipakita ang aking galing sa pagsusulat. Napagpasyahan kong hindi na sumali sa patimpalak sa Pagsulat ng Balita. Napagtanto ko kasi na masyadong limitado ang mga konseptong maaari kong gamitin sa pagsulat nito. Nalilimitahan ang paggamit ko sa mga malikhaing mga salita.
            Naglakas-loob akong sumubok sa pagsulat ng lathalain. Dito ay mas naging malaya ako sa pagsusulat. Nagawang  kong paglaruan ang mga letra upang makabuo ng isang malikhaing akda. Nakaramdam ako ng kalayaan at kasiyahan. Nabuhayan ako ng loob. Ang inaakala kong magiging dead end ng aking pagsusulat ay siyang naging daan upang lalo kong mapagbuti ang aking pagsusulat.
            “Huli man daw at magaling, naihahabol din”. Napakasarap liripin sa akin isipan ang mga panahong tahimik akong nakaupo sa isang sulok ng conference hall. Mataimtim na nagdadasal para sa magiging resulta ng patimpalak. Naroon ang aking pag-asang kahit sa huling taon ko sa high school ay manalo ako sa patimpalak sa pagsulat. Nang dumako na sa pag-aanunsiyo ng mga nagwagi sa kategorya ng Pagsulat ng Lathalain ay lalong bumilis ang tibok ng aking puso. Ilang sandali lamang, ay parang nagliwanag ang buong paligid, animo’y bumaba ang mga anghel sa lupa at nagbubunyi sa aking pagkapanalo. Narinig ko ang aking pangalan na binanggit at kasama sa mga nagwagi.
            Ang karanasang iyon ang nagpatunay sa akin na hindi ako kailangang magpadaig sa mga kasawian nakakamit ko sa pagsusulat. Maging ang mga magagaling na manunulat ay dumaan din sa ganitong mga kasawian. At lahat ng ito ay naging malaking bahagi at tulong sa kanilang pag-unlad. Nakasisiguro ako na lahat ng mga magaling na manunulat ngayon ay dumaan muna sa dagok sa pagsusulat. Natalo muna, nagkamit muna ng mga honourable mentions sa Palanca Awards bago mapasali sa tatlong pinakamagaling na akda at maging Hall of Famer ng nasabing patimpalak.
            Marahil ay may kanya-kanyang oras talaga kung kalian natin tunay na maiintindihan ang hiwaga ng pagsusulat. It is not the triumph but the struggle, ika nga ng karamihan. Dahil hindi naman talaga ang pagkapanalo ang magiging basehan kung gaaano ka kagaling na manunulat. Nagbago ang aking paningin sa mga karangalang maaring makamtan sa pagsusulat. Para sa akin, hindi magandang sukatan ang mga sertipiko at medalyang nakukuha natin mula sa pagsusulat. Ang mahalaga ay nagsusulat tayo ng buong puso at kaluluwa. Nagsusulat tayo upang maging kabahagi tayo ng hiwaga ng pagsusulat. At gusto nating maging inspirasyon sa karamihan lalo na sa mga taong nawawalan ng lakas ng loob at pag-asa sa buhay.
Renaissance sa Pagsusulat
            Nang pumasok ako sa kolehiyo ay nawalan ako ng panahon sa pagsusulat. Naging malamig ang ugnayan naming ng aking panulat. Hindi na naming magawang bumuo ng kahit simpleng akda. Kahit anong pilit ang aking gawin ay nahihirapan pa din akong balikan ang mga panahong umaapaw sa konsepto at ideya ang aking balintataw. Nananabik akong balikan ang mga panahon nakakapagsulat ako ng maayos at matiwasay.
            Sa aking pag-iisip ay nakadama ako ng labis na pagkatakot. Isang malaking katanungan sa aking isip kung bakit labis akong nawalana ng sigla at gana sa pagsusulat. Alam ko sa aking isipan na gusto kong magsulat ngunit ayaw tumipa ng aking mga daliri upang makapagsulat. Sa aking palagay ay masyado lamang akong nalunod sa mga technical papers, laboratory reports at mga formal reports kaya bahagyang nawala ang aking hilig sa pagsulat ng mga malikhaing sanaysay at akda.
            Humigit kumulang isang taon akong hindi nagsulat. Nasayang ang matagal na panahong iyon na sana ay nakapagsulat ako ng maraming mga akda. Naroon ang panghihinayang sa aking puso. Ngunit wala akong nagawa kung hindi tanggapin na lamang ang katotohanang nawalan ako ng pagkasigasig sa pagsusulat. Ngunit hindi ako pumayag na hanggang doon na lamang ang aking paglalakbay kasama ang mga titik at letra. Hindi ako nagpadala sa kawalan ng gana sa malikhaing pagsusulat.
            Kumuha ako ng mga kurso sa Filipino at Malikhaing Pagsulat upang matulungan akong buhayin muli ang kagustuhan kong magsulat. At batid kong hindi pa ako gaanong maalam sa pagsusulat kung kaya’t sinamantala ko ang oportunidad na maturuan ng mga batikang manunulat sa pamantasang aking pinapasukan. Hindi naman ako nagsisi sa desisyong aking ginawa. Nagkaroon ako ng renaissance period sa aking buhay bilang isang taong mahilig magsulat. Malaking tulong ang mga bagay na aking natutunan mula sa mga kursong aking pinag-aralan. Nakapagpatibay ito sa aking
Pag-unawa
            Ang buhay daw ay isang napakalaking aklat. Ang dalumat at banghay ay matagal ng naisulat ng Poong Lumikha. Ang  ating mga karanasan ang nagsisilbing pluma ng ating talambuhay. Nakasalalay sa ating kung susundin natin ang banghay na inihanda ng Panginoon para sa atin. An gating buhay ay isang aklat na daig pa ang pinakamagandang akdang naisulat sa kasaysayan ng mundo. Marahil may panahong ng kapighatian at mayroon din naman panahon ng kaligayahan. Ngunit ang lahat ng ito ang nagbibigay ng substansya at sangkap sa kwento ng ating buhay.
            Namamangha ako tuwing naiisip ko ang mga akdang naisulat noong unang panahon pa at napanatili at naipreserba hanggang sa kasalukuyan. Isang librong nagbigay sa akin ng tunay nakahulugan ng pagsusulat ay ang Bibliya. Kung ating iisipin ay napakatagal nang naisulat ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa ring nababasa sa iba’t ibang panig ng mundo. Maraming buhay ang nabago at malaking pasasalamat ko sa Panginoon sa pagbibigay ng pagkakataong mabasa ang kwento ng kanyang buhay. Nagbigay ito ng pagkakapaliwanag sa akin kung bakit ba talaga ako nagsusulat.
            Napagtanto ko na gusto kong magsulat dahil gusto kong makapasok sa puso ng aking mga mambababasa at maiparating sa kanila ang damdaming aking nararamdaman. Gusto kong magsulat dahil gusto kong magamit ang talentong ibinigay sa akin ng Panginoon. Una ay para mapapurihan Siya sa mga akdang aking naisulat at pangalawa ay maging inspirasyon ng mga taong makakabasa ng aking mga kwentong naisulat.
            Kamakailan lang ay isinugod ako sa hospital dahil biglang bumilis ang tibok ng aking puso, nakaramdam ako pagkahilo at nagdilim ang aking paningin. Naipaliwanag sa akin ng pagkakataong iyon na hindi permanente ang buhay sa mundong ito. Tayo ang panandalian lamang namamalagi dito at sa kalaunan ay lilisanin din natin ito. Naitanong ko sa sarili ko na kung sakaling tawagin na ako ng Panginoon sa Kanyang kaharian, may mga tao pa kayang makakaalala sa akin. Hindi naman ako sikat na personalidad, ako ay isang simpleng mag-aaral lamang. Tiyak na mabubura rin ako sa alaala ng mga taong nakakilala sa akin. Dahil dito ay mas tumibay ang aking pagnanais na ipagpatuloy ang aking pagsusulat. Kahit man lamang may iilan na makagunita sa mga panahong napasayaw sila ng indayog at yaman ng aking panulat at nakasama ko sa mundong likha ng aking malikhaing imahinasyon at kaisipan ay lubos ko nang ikaliligaya
            

Wednesday, October 12, 2011

Univesity of the Philippines Diliman Prof Guide 2

Biology 11 lec Botany Part
Juliana Janet M. Puzon, Ph.D
1st Sem AY 2011-2012
Mabait naman si Maam Puzon in general. Medyo mahina nga lang ang boses niya. Saktong nasa dulo pa ako kaya minsan ay hindi ko naririnig ang mga dindiscuss niya. Medyo malumanay kasing magsalita si Maam. Minsan lang siya magpaquiz. Essay type pa. Hindi ko alam pero siguro dahil ayoko lang talaga ng Botany kaya hindi ko na enjoy. Marami naman matututunan kay Maam. Information overload nga minsan e. Siguro makinig lang kayo lagi para makapasa kayo sa mga exams. Wag din kayong matutulog sa class nia. Mabait si Maam pero ayaw nia na may natutulog sa class dahil disrespect daw iyon para sa kanya.

Biology 11 lab Botany Part
Brian Santos, MS
1st Sem AY 2011-2012
Mabait din si Sir Brian. Medyo malumanay din siyang magsalita. Magaling magturo si Sir. At ayos ang post lab nia dahil binibigay nia talaga lahat. So hindi mahirap magsagot ng mga exercises. Marami akong natutunan kay Sir. Lagi pa siyang nagpapa geoup quiz na 50 items. Ayoko lang talaga ng Botany kaya medyo mababa ang grades ko sa mga practicals. Pero magaling si Sir. Ayos ang pagtuturo at approachable.

Biology 11 lec Zoology Part
Jonas P. Quilang, Ph.D
1st Sem AY 2011-2012
Hindi namin ineexpect na si Sir na pala ang aming professor nung pumasok siya sa classroom. We were expecting na si Dr. Edna Amparado ang papasok. Pero ayos na din dahil magaling magturo si Sir Quilang. Naeexplain niya talaga ng mabuti ang mga lessons. May mga extra information pa kami na nakukuha from him. Lalo na ang mga funny mnemonics ni Sir. Haha. Every after matapos ang isang organ system ay nagkakaroon kami ng quiz. Good thing kasi mas naaaral namin ung mga lessons. Mas tumaas naman ang grades ko sa Zoology part. Enjoy at mas maappreciate mo kasi nararamdaman mo e. Katawan mismo ng tao ang pinag-aaralan niyo. +5 sa quiz basta present ka sa klase ni Sir. Ina upload niya pa ung mga powerrpoint presentations ng mga lecture kaya ayos. Hehe

Biology 11 lab Zoology Part
Ma. Dolores Tongco, Ph.D
1st Sem AY 2011-2012
Nagulat ako sa unang araw namin kay Maam. Ang sipag niyang icheck talaga kung nahanap namin ung mga parts ng mga specimens under microscope. Iniisa isa niya talaga. Tapos may quiz pa kami every meeting. Para makasiguro si Maam na binabasa talaga namin ang lab manual. Super ang dami kong natutunan kay Maam. Astig pa ang post lab namin dahil may camera siya na ginagamit para makita sa screen ng TV ang mga microscopic specimens. Mas tumaas ang grade ko dahil sa Zoo lab. Ang galing kasing magturo ni Maam. Ang bati niya at super approachable. Ang bata nga ng itsura ni Maam. Di ko akalain na may Ph.D na siya. :)

Chemistry 26
Kathleen Joyce Carillo, R. Ch., MS
1st Sem AY 2011-2012
SUper blessed ko na napunta ako sa class ni Maam Carillo. 2 lang kasi sila na nagtuturo ng Chem 26 during my time. Siya at si Maam Coo. SUper bait ni Maam Kaye. Lagi nag eemail ng ppt presentation ng mga lessons. Nagbibigay pa siya ng bonus. Marami kang matutunan sa kanya. Lagi pa siyang available for consultation. Approchable siya.Everytime na hindi ko alam ang gagawin sa FR sa kanya ako nagpapaturo. Ang laki ng itinaas ng grade ko dahil sa mga bonus ni Maam. Super. Salamat dun at naexempt ako from taking the Final Exams. I recommend her. Super galing at super bait. Marami kayong matututunan. Pero mahirap talaga ang Chem 26. Un lang ang masasabi ko.

Chemistry 26.1
Ralph Rolly Gonzales, R. Ch.
Super saya sa class ni Sir. First day pa lang ay puno na ng twist ang aming class. CS centric si Sir kaya pinili niya ang class namin na puro Science Major. Maayos naman magturo si Sir. Every experiment ay may RDR o FR. Once in your lab life ay mararansan mong mag post lab ng isang experiment. Oo, ikaw ang gagawa ng FR at ikaw din ang magrereport nun. So nakasalalay sa iyo ang magiging knowledge ng buong class. Though iaassist ka naman ni Sir. Very considerate ni Sir. Super bait nia at super approachable. Very updated pa at mamomonitor mo talaga ang grades mo. Madalas pa siyang nagbibigay ng pointers for practicals at exams. Ang grading system niya pala ay increments of .5 lang. So 1, 1.5, 2, 2.5, 3 lang ang pwede mong makuha sa class niya. May advantage kasi kung upper limit ka ng 1.25 magiging uno ka pero disadvantage kapag lower limit ka ng 1..25 magiging 1.5 ka.

Mathematics 54
Rowena Alma Betty, Ph.D
1st Sem AY 2011-2012
Super bait ni Maam Betty. Nasa personality na talaga niya nag pagiging mabait na Professor. Napadali ang Math 54 ko dahil kay Maam Betty. Napaka motherly figure nia. Super maiiintindihan mo talaga ang mga complicated lessons. Ang saya niya talaga maging prof. Laging nagbibigay ng handouts. Nagpapaquiz din siya at nagpapa assignments. 4 na long exams lang sa kaniya. Bali ang quizzes at assignments mo ay ang magiging 5th LE nio. May recitation din. Once na nakapagrecite ka ay may additional na 10 points ka sa quizzes. Tapos kapag complete attendance ka ay may additional 3% ka sa final grade. O Diba. So kung ako sa inyo ay kunin niyo siya bilang Prof. Hindi kayo magsisisi.

Malikhaing Pagsulat 10
Lilia F. Antonio, Ph.D
1st Sem AY 2011-2012
Grabe. Nabuhayan talaga ako ng loob sa aking passion in writing dahil sa class na ito. Super nagbigay talaga ako ng effort for this class. Ang daming naise share na experiences ni Maam. Religious din siya kaya gusto ko talaga siyang Prof. Un nga lang, minsan nawawala siya dahil ang dami niang seminars na kailangang puntahan dahil iniinvite siya as speaker. Considerate si Maam. Pumasok ka lang lagi at magpasa ng mga requirements ay ok ka na. hindi siya nagbabagsak basta do your part well. May plus .5 pa sa final grade kapag complete attendance. So kapag 1.5 ka magiging UNO ka na. O diba. Ang bait ni Maam. Ang mga requirements sa class niya ay pagsulat ng tula, maikling kwento, dula at pagtatanghal at creative non fiction. Hindi naman sobrang matrabaho lalo na kung mahilig ka talagang mgasulat.

Arkiyoloji 1
Jack Gilbert Medrana, MD, MS
1st Sem AY 2011-2012
Masaya ang class namin. Kahit na 5:30-7PM ang class. Malumanay magsalita si Sir Jack. Pero marami rin naman akong natutunan sa class niya. Mas naappreciate ko ang arkiyoloji. May quiz kami lagi kay Sir pero basta nakinig ka naman sa discussion ay masasagutan mo lalo na at essay type pa. May symposium din. Kaya required kang magreport. Wala namang ganong requirements kaya Sir. Assignments at quizzes lang din. Hindi rin nag aattendance si Sir kaya minsan konti lang ang pumapasok sa amin. Considerate siya at approachable. Wala kaming final exam. Pero may final project kami. Isang brochure na nagpopromote ng isang archaeological site sa Philippines. Masaya ang class. Marami akong naging new friends sa class namin. Hehe

PE 2 Social Dance
Michiko Sanggalang
1st Sem AY 2011-2012
Super naenjoy ko talaga ang Social Dance. Siguro dahil ang tagal tagal na simula ng huli akong makapagsayaaw. Medyo masungit sa una si Maam. Pero mabait talaga siya. Marami akong natutunan na sayaw from her. Ang mga requirements lang sa kanya ay attendance, journal at mga practicals. May group practicals at mayroon by partner lang. Ngapala, kung sino ang partner mo sa first dance, siya na ang partner mo forever. Ang final exam namin kay Maam ay isang instructional video ng mga dances na pinag-aralan namin. Medyo madalas mag absent si Maam sa classdahil pregnant siya. pero very considerate ni Maam. Marami kang matutunan. Maaappreciate mo talaga ang social dance. Kailangan pala naka PE uniform lagi at pants para sa boys at naka heels at skirt for girls.