Ourlad
Alzeus G. Tantengco
MP10
WFW1 1:00-2:30 PM
Dagli
Unti-unti nang hinihila ng grabidad ang
talukap ng aking mga mata. Bakas sa aking sulat kamay na nawawala na sa linya
ang antok na aking nararamdaman. “Wala pa din ang inay”. Wala ng pag-asang
maabutan ko pa siya. Hinintay ko nalang na maubos ang apoy sa mitsa ng gasera
at ako ay tuluyan nang natulog at nagpahinga.
Kinabukasan, habang nahihimlay pa ang
buong kabahayan ay gising na ang nanay at abala sa paghahanda ng pagkain.
Matapos ay nagpalit siya ng uniporme at marahang pumasok sa aming silid.
Nagpanggap akong natutulog pa. Nadama ko ang pagdampi ng kanyang nanunuyong
labi sa aking pisngi. Nagmamadaling umalis ang nanay at animo’y
nakikipaghalinhinan sa pagsilip ng araw sa silangan.
Nasanay na rin ako sa aming sitwasyon.
Daratnan kami ng nanay na tulog na at lilisan siya ng aming tahanan na kami ay
nanaginip pa. Isang gabi, hinintay ko ang pagdating ng inay at tinanong siya.
“Inay, bakit po kailangan pa ninyong magtrabaho sa kabundukan gayong mas maginhawa
ang buhay sa lungsod”. Sandaling katahimikan. Nabasa ko ang lungkot sa mukha ng
nanay. Hindi na ako naghintay ng sagot. Pumasok na lamang ako sa aking silid at
natulog.
Ang pagtatanong kong iyon ang nagbigay
daan upang lalo kong maintindihan ang propesyon at responsibilidad niya bilang
edukador ng ating bayan. Hindi salita ang isinagot ng inay sa aking katanungan
bagkus ay isinama niya ako sa kabundukan na kanyang pinupuntahan.
Maaga kaming umalis ng tahanan ng nanay
upang maglakbay patungo sa pinagtuturuan ng inay. Naroon ang magkahalong kaba
at pananabik sa aking puso. Habang binabagtas namin ang baku-bakong daan ay
nakaramdam ako ng kakaibang kahapuan. Kinailangan pa naming sumakay ng bangka
sapagkat mataas ang tubig sa ilog gawa ng nakaraang malalakas na pag-ulan. Matapos
ang mahigit tatlong oras na paglalakbay ay narating din namin ang lugar na
pinagtuturuan ng inay. Maliliit at gawa sa pawid ang mga kabahayan. Isang
komunidad na malayung-malayo sa urbanidad ang sa ami’y tumambad.
Natanaw rin sa malayo ang mga batang
marahang naglalakad. Matamlay at mukhang kulang na kulang sa sustansya. Sa
pagmamasid sa kanilang maliliit na hakbang, sumagi sa aking isipan ang isang
katanungan. Kasabay kaya ng maliliit at mabagal nilang paglalakad ang
usad-pagong na kaunlaran sa kanilang bayan? Hindi ko alam ang kasagutan ngunit
ayokong isipin na ganoon nga ang kanilang kahihinatnan.
Bago nagsimula ang inay sa kanyang
pagtuturo ay nagtungo muna siya kasama ang ilang mag-aaral sa likod ng
paaralan. Kumuha sila ng ilang dahon ng saging. Walang kwadernong papel na
magagamit ang mga bata kaya dito sila sumusulat gamit ang kapirasong uling..
Nalungkot ako. Gusto kong umiyak. Naawa ako sa sitwasyon ng mga batang Manobo.
Halo-halo ang tinuturuan ng inay. Iba-iba rin ang kanilang edad. Ngunit nakita
kong iisa ang kanilang pagnanais na makamit ang karunungang maghahatid sa
kanilang mumunting bayan ng kaunlaran. Nakita ko ang pag-asa sa kanilang mga
mukha.
Mabilis na lumipas ang oras. Madilim na
rin ang paligid nang lisanin naming ang tahanan ng mga Manobo. Kasabay ng aming
mabibilis at maliliit na hakbang pauwi sa aming tahanan ay ang pag-asang
mabilis ding makakamit ng mga batang Manobo ang kaunlarang kanilang
pinakaaasam. Hindi man ngayon o bukas, marahil nalalapit na ang itinakdang oras
ng Maykapal para sa mga Manobong naninirahan sa kabundukan. At alam kong isa
ang inay sa kasangkapang ginagamit ng Panginoong upang maisakatuparan ang
nalalapit nilang pag-unlad.