Thursday, June 9, 2011

Wikang Ginagamit sa Pagtuturo sa UP SLIS

Paaralan ng Aralin sa Aklatan at Impormasyon
Ang Paaralan ng Aralin sa Aklatan at Impormasyon ay ang pinakamatandang paaralan ng aklatan sa bansa. Ito ay ang nangungunang institusyon para sa mas mataas na edukasyon sa agham pang-aklatan at impormasyon hindi lamang sa bansa, ngunit pati sa buong rehiyon. Ang SLIS ay patuloy na nakapagtatapos ng mga top librarians at mga propesyonal sa agham pang-impormasyon na maaaring matugunan ang pangangailangan lakas-tao sa pamamagitan ng bagong sistema ng impormasyon at teknolohiya. Itinataguyod nito ang gradwadong programa noong 1962 upang patuloy na mapagbuti ang mga akademikong programa na sumasaklaw sa lahat ng mga lugar ng pananaliksik at agham pang-impormasyon, karagdagan sa mga tradisyunal na kurso sa library science na gumagamit ng mga makabagong pamamaraan. Ang teorya sa impormasyon, information storage and retrieval, pamamahala ng impormasyon at pagtatasa, diseminasyon ng impormasyon, elektronik na paglilimbag, at mga intelektuwal na karapatan ay kabilang sa mga kurso ng mga mag-aaral ng SLIS. Layunin ng mga programa sa UP SLIS ang mga sumusunod:

1. upang bumuo ng mga kinakailangang kakayahan para sa mga taong nagtatrabaho sa mga aklatan
2. upang mapahusay ang kakayahan at kasanayan ng mga taong nagtatrabaho sa mga aklatan
3. upang magkaroon ng mga librarians na may malalim na pagkaunawa sa naturang propesyon at paggamit ng mga aklatan.

Kursong Itinuturo
1. Batsilyer ng Library at Information Science (BLIS) - Ang BLIS programa ay dinisenyo upang ihanda ang mga mag-aaral para sa oportunidad sa propesyonal na pagpapakabibliyotekaryo, pananaliksik, pagsasanay, at paglilimbag ng libro sa kalakalan, relasyon sa publiko, pagkonsulta, at mga impormasyon na may kinalaman sa negosyo.
2. Masterado ng Library at Information Science (MLIS) - Ang MLIS Program ay nagbibigay ng propesyonal na paghahanda para sa mga karera sa akademiko, pampubliko at aklatan para sa pananaliksik at sa mga kaugnay na trabaho na tulad ng pamamahala ng arkibal koleksyon, pagtuturo at consultancy.
3. Diploma sa Librarianship - Ang Diploma sa librarianship ay isang isang taong programa na nagbibigay ng pormal na pagsasanay sa mga taong nagnanais na magtrabaho sa mga aklatan. Ang mga lugar ng konsentrasyon ng programa ay batas sa librarianship at librarianship sa agham pangkalusugan.

Mga Aklat na Naisulat sa Filipino
Buenrostro, Juan C. Gawaing Reference at Impormasyon: Introduksyon. Sentro ng Wikang Filipino. University of the Philippines Diliman. 1998
Faderon, Rosalie & Mary Anne Victoria Y. Ingles. Pagkakatalog at Klasipikasyon ng mga Babasahin: Introduksyon. Sentro ng Wikang Filipino. University of the Philippines Diliman. 1998
Buenrostro, Juan C. Jr. Batayang Aklat sa Librarianship. Great Books Trading. 1992

Mga Tesis at Disertasyon na Naisulat sa Filipino
Mendigo, Natividad A. Diksyunaryo ng Paggawa sa Pilipinas. SLIS. 2003
Lacson, Erlinda B. Paksang Pamuhatan sa Filipino. SLIS. 1979

Wikang Ginagamit sa Talakayan
Kadalasan ang panimula ng mga guro sa talakayan ay wikang Ingles at kapag nahihirapan ng intindihin ng estudyante ay ipinaliliwanag ito sa Filipino. Kapag ang pinag-aaralan ay ukol sa Pilipinas, Filipino ang ginagamit. Halimbawa, sa klaseng Childrens' Literature, pag lokal na mga libro ang ginagamit ay kadalasan Filiino na ang gamit sa diskusyon. Ngunit mas madalas na gamitin ang wikang Ingles sa pagtalakay ng mga teorya at konsepto ukol sa Library and Information Science. Mas madali ito para sa mga guro sa SLIS sapagkat ang mga teorya at pangunahing kaalaman sa Library Science dito sa Pilipinas ay nagmula talaga sa Amerika. Halimbawa na dito ay ang mga terminong cataloging, indexing, abstracting, reference, information systems, archiving. Nahirapan ang ilan sa mga guro na isalin sa Filipino ang mga termino sa Agham Pang-aklatan. Nagkaroon ng pagkakataon sa SLIS na itinuro ang isang kurso sa wikang Filipino. Nakipagtulungan ang noo'y dekano ng SLIS na si Prop.. Rosalie Faderon sa Sentro ng Wikang. Naituro naman ng maayos ang kursong “Kataloging” ngunit hindi maiwasan na pagtawanan ng mga estudyante ang mga termino sa Filipino. Gumamit sila ng mga librong nailimbag sa wikang Filipino. Ito ay tungkol sa basic practices of librarianship, tulad ng kataloging at klasipikasyon ng mga libro and non-book materials, reference at information services. Ayon sa gurong aming nakapanayam ay sinubukan niyang basahin ang mga librong ito ngunit para sa kanya ay hindi pa rin sapat ang naging diskurso na napapaloob sa mga libro dahil masyadong naging limitado ang paggamit ng mga salita sa Filipino.
Wikang Ginagamit sa Handout o Babasahin
Wikang Ingles ang ginagamit sapagkat ang mga teorya at pangunahing sanggunian ay nagmula sa Amerika.

Wikang Ginagamit sa Eksamen at Pagsusulit

Ingles ngunit pinapayagan naman ang mga estudyante na gumamit ng wikang Filipino sa pagsusulat ng mga sanaysay.
Paglalagom
Matapos namin makapanayam ang mga guro sa UP SLIS at makapagsagawa ng sarbey sa mga mag-aaral nito, aming napag-alam na mas marami ang naniniwala na mas epektibong wikang panturo ang parehong wikang Ingles at Filipino. Ayon sa karamihan ay mas mainam at naiintindihan ng mga estudyante ang mga konsepto sa paggamit ng billingual na paraan sa diskusyon. May mga konsepto at mga teknikal na termino na walang tuwirang salin sa Filipino kung kaya naman mahirap na ituro sa purong Filipino ang kanilang mga kurso. Kaya naman ang nakasanayang kalakaran ay ang pagsisimula sa wikang Ingles at pagpapaliwanag sa wikang Filipino. Sa ganitong paraan ay mas naiintindihan ng mga mag-aaral ang mga itinuturo ng kanilang mga guro. Ayon din sa sarbey, hindi naman lahat ay lubusang naiintindihan ang wikang Ingles at hindi rin naman maaring ituro sa wikang Filipino dahil sa kakulangan sa tuwirang salin.

“I think making the students learn is more than the language being used in the classroom. It should not be linear. It also lies on how you, as a teacher, can 'play' with the language and words to make your students absorb (and yes, embrace) the subject more” - Iyra S. Buenrostro (Assistant Professor, SLIS)

No comments:

Post a Comment