Saturday, July 23, 2011

Tula - Rallentando

Ourlad Alzeus G. Tantengco
MPs10 – WFW1 - 1:00-2:30 NH
13 Hulyo 2011

Hindi ako isang makata
O dalubhasang maalam sa hiwaga ng salita
Ngunit hayaan ninyo akong kumatha ng tula
Alay sa guro ng musikang mundo’y nilisan na.

Sa bawat pagkumpas ng kanyang kamay
May ngiting laging nakaantabay
Mga liriko ng kanta’y kanyang binubuhay
Upang maging karapat-dapat sa Diyos ay ialay.

Isang gabing madilim pauwi sa kanyang tahanan
Mula sa pag-eensayo ng kanta sa simbahan
Malakas na tunog ng preno ng trak ang narinig
Matapos noo’y tuluyan ng naglaho ang kanyang tinig.

Nawala na ang dating sigla at galak
Animo’y natuyong talulot ng bulaklak
Kasabay ba niyang sumalangit
Ang saya sa aming pag-awit?

Bilang taong lumaki sa simbahan
Higit kong nalalaman
Pisikal lamang ang kanyang kamatayan
Buhay ay walang hanggan sa langit nating tahanan.

Habang tinitipa ng piyanista sa piyano ang piyesa
Ng isang awit mula sa Bibliya
Buong-pusong nangusap ang mga nota
Ipagpatuloy ang pagkanta sa misa.

Hindi para sa sarili o kanino man
Kung hindi para sa Panginoong lumikha ng Sanlibutan
Bumagal mang tulad ng rallentando ang musika ng kanyang buhay,
Mananatili itong buhay sa aming puso’t isipan.

Mahirap mang takasan ang kapighatian
Sa wika ng Panginoon ako sasandigan,
“Mas mainam ang isang araw kapiling ang Diyos ko
Kaysa isang libo na iba ang tahanan ko”.

Tula - H(ina)nakit

Ourlad Alzeus G. Tantengco
MPs10 – WFW1 - 1:00-2:30 NH
13 Hulyo 2011

Mga anghel na walang langit
Taguri sa mga abang paslit
Pagkaling ng ina sa kanila’y ipinagkait
Namuhay sa mundong puno ng pasakit.

Mabuti at sa kanila’y may nakakita
Bago pa man malagutan ng hininga
Matapos silang ihagis sa payatas
Ng kanilang inang sugo ni Satanas

Masakit mang isipin at tanggapin
Kabuktututang namamayani sa lipunan,
Hindi lahat ng ina marunong magpakaina
Hindi lahat katulad ni Maria.

Dugo at laman na nag mula
Sa sinapupunan ng ina,
Isang musmos na walang kalaban-laban
Bakit nagawang buhay ay pagtangkaan?

Hindi dahilan ang kahirapan
O masyado pang maaga at walang kahandaan,
Huwag ikatwirang wala pa sa hustong gulang,
Magpakatao at matutong manindigan.

Kung sa Diyos ika’y walang takot,
At ipagpatuloy ang kaisipang baluktot,
Makatakas ka man sa batas at hustisya,
Siguradong di ka patatahimikin ng iyong konsensya.

Higit sa buhay ang magiging kabayaran
Sa ginawa mong malaking makasalanan,
Hindi tao ang huhusga’t magbibigay pasakit,
Hintayin mo ang parusa at hatol ng langit.

Tula - Talambuhay ng Mga Libro sa NHI

Ourlad Alzeus G. Tantengco
MPs10 – WFW1 - 1:00-2:30 NH
13 Hulyo 2011

Pira-pirasong pahinang pinagsama-sama
Puno ng larawan at mga letra
Bukal ng dunong at kaalaman
Ukol sa mga naganap sa ating nakaraan.

Masusing binusisi at hinabi,
Sa utak ng mga historyador ng ating lahi,
Kanilang inilimbag at pinakaingatan
Upang maging sanggunian sa kinabukasan.

Ngayon, sa madalim na silid nahihimlay
Mga kayamanan ng ating kasaysayan
Ibinaon na sa limot ng karamihan
Lalo na ng gobyernong walang pakialam.

Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan
Ang pagkalunod ng mga polyeto at aklat
Hanggang masira ng tubig ang tinta
At kainin ng anay ang mga pahina.

Paano pa makikita ng balana
Mayamang kultura ng ating bansa?
Kung ang mga librong tanging ebidensya
Tuluyan ng naglaho at nabura sa ating ala-ala.

Napagtanto mo na nga ba?
Hindi lang libro sa ati’y nawala
Bahagi ng kasaysayang dapat nating malaman
Kailanma’y ‘di na mababalikan at masusulyapan.

Pagwawalang bahala at kapabayaan
Ang nakikita kong mga dahilan
Kung bakit historikal na yaman sa museo ng NHI,
Unti-unti ng nawawala at nangamamatay.